Ang sarap ng may Dios sa buhay. May katulong at nakakaunawa sa akin sa panahong walang ibang nakakaintindi sa kalagayan ko. Nararamdaman ko ang Kaniyang pagliligtas palagi — sa tuwing gigising ako sa umaga na may panibagong lakas; sa tuwing nakakarating ako sa bahay galing sa biyahe nang ligtas; at sigurado akong madami pang pagliligtas Siyang ginagawa sa buhay ko na hindi ko alam. Salamat po!

Ang sarap sa pakiramdam na binibigyan Niya ako ng mga simpleng pagkakataon — pandamdam ng malamig na tubig kapag naliligo ako sa gitna ng mainit na panahon; pandamdam ng maaliwalas na hangin sa hapon; pantikim sa mga pagkaing hindi bawal sa aking kainin na sa ibang tao’y ipinagbabawal ng kanilang mga doktor; lakas at kaya upang makapaglakad ako ng malayong lugar na hindi nagagawa ng ibang may karamdaman sa katawan. Salamat at nakakatulog nang himbing sa gabi, na sa ibang tao’y hirap nilang gawin. Salamat po.

Ang sarap sa pakiramdam na nakakaintindi ako ng mga bagay na itinuturo nina Bro Eli at Kuya Daniel. Salamat at may laging mabuting bagay sa likod ng mga waring hindi magandang suliranin na nangyayari sa atin. Salamat po.

Ang sarap na alam kong may mga kaibigan at kamag-anak akong bigay Niya, na maaari kong takbuhan sa tuwing may mga problema ako, o sa tuwing ako ay nalulungkot at kailangan ko ng kasama. Salamat po.

Alam kong malayong kulang pa itong pasasalamat ko sa mga nagawa at ginagawa Niya sa buhay ko.

Humihingi po ako ng tawad sa mga nagawan ko po ng pagkukulang. Pasensiya na po kayo.

Advertisements